epiKOOL
Avisala, tao!
Ako si Hara Nikko ng kahariang Block N-cantadia at malugod kitang tinatanggap sa lupain ng Encantadia. Dito mo matatagpuan hindi lamang ang mahika ng mga brilyante, kundi pati na rin ang mahika ng pag-ibig, poot, at pananalig. Ibabahagi ko ang pagiging makasaysayan ng modernong epikong Encantadia pati na rin ng aking sarili sa blog na ito.
Ivo live!
BAGONG REYNA
Isang Anekdota Mula Sa Aking Pagkabata
Pista sa simbahan namin sa Obando. Ito ang binanggit sa Noli Me Tangere kung saan humiling si Donya Pia Alba ng anak - si Maria Clara (may madilim pang katotohanan ito).
Source: Lakad Pilipinas
Tuwing Linggo bago matapos ang misa, naglalatag na ang mga tindera ng samot-saring paninda. May mga sitsirya, mga soft drink na nakalagay sa nangingitim nang sisidlan, popcorn na kulay kahel at rosas, tusok-tusok, at siyempre, mga laruang gawa sa Tsina. Sa isip-isip ko, hindi siguro mabubuo ang misa kung walang mamang namamaril ng bula, o ‘di kaya’y mahigpit ang kapit sa tumpok ng mga lobong kartuns. Ganoon din naman sa amin sa simbahan ng Obando. Dito nga nabuo ang kuwentong lagi pa ring nagpapangiti sa akin.
Tindero ng makulay na popcorn.
Source: Sleek in the City
Maglalako ng sorbetes na mukhang keso at cookies and cream ang lasa.
Source: Sleek in the City
Noong bata raw ako, siguro mga anim na taong gulang, hiniling ko raw kay Mama na ibili ako ng espada. Siyempre, bilang kaisa-isang lalaki sa magkakapatid, tuwang-tuwa siya sa tuwing nagpapabili ako ng mga laruang panlalaki.
“Bakit? Anong gagawin mo diyan?” tanong niya.
“May gagayahin po akong nasa TV, Ma!”
Si Machete? Isang Mulawin? Si Sid Lucero sa Amaya? Napangiti na lang si Mama sa mga pagpapalagay niya. Kaya, dali-dali kaming nakipagtawaran kay aleng nakaupo sa bughaw na latag, at siyempre, binili ang itinitinda niyang espadang umiilaw at tumutunog kapag pinindot.
Mga latag ng mga tindera sa Divisoria tiangge.
Source: Tripadvisor
Ako bilang si Amihan gamit ang isang photo editing application.
Pag-uwi namin, agad-agad akong kumaripas upang ibida ang bago kong laruan kina Ate, Papa, Tita, Tito, kapitbahay, kalaro, mga insekto sa bahay, sa alaga naming asong si Brownie at Chuchu (sumalangit nawa), at sa buong mundo.
Tanong ni Tita, “Bakit ka nagpabili niyan? Gagayahin mo ba si Aguiluz?” (‘Yong ginampanan ni Richard Gutierrez sa Mulawin)
Ngunit isang bagay ang ikinagulat nilang lahat. Habang iwinawasiwas ang umiilaw na espada, taas-noo kong ibinulalas – ‘yong tipong maririnig hanggang sa mundo ng Encantadia – “Ako si Amihan, ang reyna ng mga diwata!” Nagpalakpakan at naghalakhakan ang lahat! Akala ko no’n, baka masaya lang silang ako na ang bagong reyna.